Driver’s license ni BINI Mikha, suspendido nang 90 days dahil sa viral video
Sinuspinde nang 90 days ang driver’s license ng member ng P-pop girl group na BINI na si Mikha Lim matapos ireklamo ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa umano’y paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Batay sa imbestigasyon ng LTO, makikita sa isang video na nagse-self-record si Mikha habang nagda-drive nang mahulog ang kanyang cellphone. Sa halip na huminto sa ligtas na lugar, yumuko umano siya para pulutin ang phone at nakita rin umanong hawak niya ito gamit ang dalawang kamay habang umaandar ang sasakyan.
Dahil dito, inisyuhan siya ng Show Cause Order (SCO) at inatasang humarap sa LTO Central Office sa November 20 para magpaliwanag sa mga posibleng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at iba pang batas-trapiko.
Bilang paunang hakbang, inutusan din siyang isuko ang kanyang driver’s license habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nilinaw naman ng LTO na ang preventive suspension ay isang interim measure o pansamantalang hakbang lamang at hindi pa raw ito pinal na hatol ng pagkakasala. Hihintayin muna raw nila ang sworn explanation ni Mikha bago magdesisyon kung may ipapataw na dagdag na parusa.
Samantala, sa isang pahayag, iginiit ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na walang kinikilingan ang batas-trapiko anuman ang estado o popularidad ng isang motorista. #
