Voter registration para sa 2028 elections, muling magbubukas sa Nov. 10

Magbubukas nang muli ang voter registration sa buong bansa para sa 2028 National and Local Elections simula Martes, November 10.
Tatakbo ang registration period hanggang July 30, 2027, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Bukod sa mga first-time voter, bukas din ang ahensya para sa mga maglilipat ng rehistro, magpapareactivate, o magpaayos ng mga maling impormasyon sa kanilang record.
Target ng poll body na makapagdagdag ng tatlong milyong botante sa kasalukuyang 71 million pagsapit ng 2028 elections.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, maagang tatapusin ang registration period para magkaroon ng sapat na panahon ang ahensya na linisin at i-verify ang listahan ng mga botante.
Gagamitin ang Automated Fingerprint Identification System o AFIS upang harangan ang mga kaso ng double registration.
Sa mga magpapa-register, maaaring magtungo sa Office of the Election Officer sa inyong lungsod o bayan, satellite at mall registration sites, at Register Anywhere Program o Special Register Anywhere Program ng Comelec.
Saklaw din nito ang mga senior citizen, persons with disabilities, at miyembro ng Indigenous Peoples at Indigenous Cultural Communities na kailangang mag-update ng kanilang records.
Paalala ng Comelec, magdala ng valid government ID kasama ang photocopy nito. Hindi naman tatanggapin ang Barangay Certification, company ID, Police Clearance, at Community Tax Certificate o cedula bilang patunay ng pagkakakilanlan.
Para sa karagdagang detalye at anunsyo, maaaring bisitahin ang official socmed pages at website ng Comelec.
Matatandaan sa huling registration period na nagtapos noong May 18, 2026, nakapagtala ang poll body ng mahigit 5.4 milyong aplikasyon sa buong bansa. #
