200 Vietnamese, nasagip sa operasyon kontra scam hub sa Olongapo
Na-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa 200 Vietnamese nationals mula sa isang umano’y scam hub sa Olongapo City.

Sa isinagawang operasyon, kinumpiska ang mga computer, cellphone, at dokumentong ginagamit sa operasyon, na pwedeng makatulong sa imbestigasyon.
Ayon sa NBI, organisado ang operasyon ng pasilidad, na may mga shift na tumatakbo buong araw at gabi, nakatalagang payment desk, at network ng bank at e-wallet accounts para sa paggalaw ng pera.
May mga grupo rin umanong nakatutok sa mga target sa Pilipinas, United Arab Emirates, at Bangladesh. Sinusuri na ng NBI ang mga nailigtas upang matukoy kung may mga biktima ng human trafficking.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking, Vietnamese Embassy, at Anti-Money Laundering Council para sa imbestigasyon at pagtukoy sa mga account na ginamit sa operasyon.
