Sapilitang pagpapasayaw sa Christmas party, maituturing na bullying: DOLE
Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na huwag pilitin ang kanilang mga empleyado na sumayaw o mag-perform sa mga Christmas party, dahil maaari itong maituring na isang uri ng bullying sa lugar ng trabaho.
Ayon kay DOLE-Central Visayas Information Officer Roberto Cabardo, dapat kusang-loob ang paglahok ng mga manggagawa sa mga performance. Wala raw problema kung boluntaryong sasali ang mga empleyado, basta walang pamimilit.
Maaari namang magsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang mga empleyadong tinatakot ng disciplinary action o parusa kapag tumangging sumali sa performance. Pwede rin daw saklawin ng Safe Spaces Act ang mga insidenteng may kaugnayan sa harassment.
Dahil dito, hinimok ng DOLE ang mga kumpanya na tiyaking masaya at inclusive ang kanilang mga Christmas party, nang hindi isinasantabi ang personal na kagustuhan at karapatan ng kanilang mga empleyado. #
