Chinese national at Pilipina, arestado sa umano’y bentahan ng pekeng sabon sa Bulacan
By Noel Celeste, CLTV36 News
Arestado ang isang Chinese national at isang Pilipina sa entrapment operation ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Grandmax Industry Park, Barangay Daungan, Guiguinto, Bulacan nitong Lunes, October 19.

Ayon sa PNP, kapwa umano sangkot ang mga suspek sa paggawa ng mga peke at hindi rehistradong health products at pagbebenta ng mga ito sa online platforms.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad tungkol sa bentahan ng mga naturang produkto sa online marketplace, na sinundan ng test-buy transaction.
Nasamsam sa operasyon ang nasa 5,000 piraso ng Geisha soap na nagkakahalaga ng tinatayang ₱600,000.
Binigyang-diin ng PNP ang pangangailangang maging maagap ng mga otoridad sa mga bagong modus na gumagamit ng online platforms, kasabay ng pagtiyak na nakabatay sa ebidensya ang mga imbestigasyon at iginagalang ang karapatan ng mga sangkot sa ilalim ng due process.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang dalawang suspek para sa kaukulang legal na proseso, habang sasailalim naman sa pagsusuri ang mga nakumpiskang produkto. #
