Ex-Rep. Dong Gonzales, iginiit na pamumulitika ang nasa likod ng mga kaso

Nanindigan si dating Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. na ‘local politics’ ang nasa likod ng mga kasong kinahaharap niya kaugnay ng umano’y conflict of interest sa mga infrastructure project ng pamahalaan.
“This is all, it boils down to politics, local politics. So, like for example, yung plan there, the opposition, wala yun po yun. Politika lang po yun,” saad ng dati ring Senior Deputy Speaker ng 19th Congress.
Sa isang panayam ng Bilyonaryo News Channel, ipinaliwanag ni Gonzales na muli siyang nagbalik-loob sa pagnenegosyo nang matalo sa halalan noong 2013. Aniya, na-revoke ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang rehistro ng A.D. Gonzales matapos siyang bumalik sa private sector.
Pero nang pumasok daw muli siya sa politika noong 2016, nag-divest din siya sa kumpanya bilang paggalang sa isinagawang fact-finding investigation ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Gonzales na nirerespeto niya ang proseso ng Sandiganbayan at umaasa siyang mabibigyan siya ng patas na paglilitis. Iginiit din niyang patutunayan niya ang kanyang kawalan ng sala.
Nagpiyansa na si Gonzales ng kabuuang ₱270,000 para sa three counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kaugnay ng mga alegasyon ng conflict of interest sa mga infrastructure project. Inihain ito mismo ng Ombudsman sa Sandiganbayan noong October 16.
Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman sa pangalawang pagkakataon ang mga reklamong plunder, malversation, at iba pang kaugnay na kaso laban kay Gonzales at sa kanyang co-respondents dahil sa kakulangan umano ng ebidensya.
Gayunman, nagpapatuloy ang mga kasong graft sa Sandiganbayan, kabilang ang isang kasong nakatakdang dinggin sa November 6. #
