Agana Bridge sa Tarlac City, bubuksan na; mga truck at bus, bawal muna
Nakatakda nang buksan sa mga pedestrian at light vehicles ang Agana Bridge sa Tarlac City, tatlong linggo matapos gumuho ang istruktura nito.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, pwede na raw daanan ang tulay ngayong September 21 o sa Martes, September 22. Ito ay matapos ang paglalagay ng temporary steel structure na nagdudugtong sa mga nasirang bahagi, kasunod ng isinagawang structural load testing.

Kasabay ng pagbubukas, ipatutupad din ang 10-ton weight limit sa mga sasakyang tatawid dito. Dahil dito, mahigpit na ipagbabawal ang pagdaan ng mga truck at bus.
Lilimitahan lamang ang access sa mga four-wheeled vehicle, coaster, at elf-type delivery truck basta pasok sa itinakdang weight limit.
Maglalagay din ng mga gantry o steel barriers sa magkabilang dulo ng Agana Bridge upang hindi makapasok ang mga sasakyang lalampas sa itinakdang clearance at timbang.
Tutulong naman ang LGU sa pagpapatupad ng traffic management para tiyakin na nasusunod ang restriction.
Matatandaang bumagsak ang bahagi ng Agana Bridge noong August 29 dahil sa malakas na agos ng ilog at matinding pag-ulan. Simula noon, dumadaan sa Gerona ang mga motorista na nagdudulot ng karagdagang isa hanggang isa’t kalahating oras sa karaniwan nilang biyahe.
Samantala, plano rin umano ng DPWH na magtayo ng parallel bridges sa Agana at Aquino Bridge upang madagdagan ang bridge capacity sa Tarlac City.
Nakatakda ring gamitin ang ₱300-million na pondong ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa Aquino Bridge, habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng mga kasalukuyang tulay. #
