21-anyos na student sa Nueva Ecija, patay sa pananakal; suspek, ‘di raw pinautang
Patay ang isang 21-anyos na nursing student matapos sakalin ng isang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija.
Kinilala ang biktima na si Ann Pauline Fajardo, residente ng naturang barangay at 4th year nursing student sa Wesleyan University-Philippines sa Cabanatuan City.

Natagpuan si Fajardo na wala nang buhay sa ilalim ng kanyang kama nitong Linggo, September 6, bandang 11:20 AM, na may kumot na nakatali sa kanyang leeg.
Ayon sa San Antonio Municipal Police Station, unang iniulat ang insidente bilang suicide. Gayunman, napansin umano ng mga rumespondeng pulis ang ilang bagay na nagdulot ng pagdududang nagpakamatay lamang ang estudyante.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong sa pulisya sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa masusing pagsusuri sa lugar. Napag-alaman ding nawawala ang iPhone 16 Plus ng biktima na tinatayang nagkakahalaga ng ₱66,990. Gamit ang iCloud account at “Find My” feature ng cellphone, natunton ng tracker team ang isang 27-anyos na lalaking residente rin ng Brgy. Sto. Cristo.
Ayon sa San Antonio MPS, inamin umano ng suspek sa kanyang Extra-Judicial Affidavit/Confession ang naging papel niya sa pagkamatay ni Fajardo. Batay sa salaysay ng salarin, nagtungo siya sa bahay ng biktima para umutang ng ₱5,000. Nang hindi raw siya mapagbigyan, nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa sakalin niya ang dalaga.

Samantala, sa isinagawang autopsy ng medico-legal officer, nakasaad sa death certificate na “asphyxia by strangulation” ang sanhi ng pagkamatay ni Fajardo. Batay sa mga nakuhang ebidensya at umano’y pag-amin ng suspek, itinuring ng San Antonio MPS ang insidente bilang murder.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Nueva Ecija Provincial Legal Office kaugnay ng naaangkop na kasong isasampa laban sa suspek.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Wesleyan University-Philippines sa pamilya at mga kaibigan ni Fajardo. #
