Kauna-unahang inter-regional telesurgery sa bansa, isinagawa sa Pampanga at Cotabato
Isang makasaysayang hakbang sa serbisyong pangkalusugan ang naitala sa Pilipinas matapos matagumpay na maisagawa ang first-ever inter-regional telesurgery sa bansa sa pagitan ng Pampanga at Cotabato.
Naisakatuparan ang dalawang ‘robotic cholecystectomy’ o pagtanggal ng apdo sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) sa City of San Fernando at Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City nitong Sabado, September 5.

Batay sa isang artikulong inilathala sa National Library of Medicine, gumagamit ang telesurgery ng wireless network at robotic technology para sa operasyon sa kabila ng distansya. Nakatutulong daw ito sa kakulangan ng surgeon, access sa de-kalidad na medical service, gastos at risky long-distance travel.
Sa Facebook post ng naturang ospital sa Cotabato, nagkaroon ng dalawang magkahiwalay na operasyon noong September 5. Isinagawa ang first operation nang 8 AM kung saan nasa JBLMGH ang surgeon at nasa CRMC naman ang pasyente. Sinundan ito ng second operation nang 1 PM kung saan nasa JBLMGH naman ang pasyente habang nasa CRMC ang surgeon.

Humigit-kumulang 1,400 kilometers ang layo ng dalawang public hospital na pinagdugtong ng teknolohiya at internet para maisagawa ang mga operasyon.
Ginamit sa telesurgery ang SSI Mantra 3.0 robotic surgical system, na binubuo ng robotic arms, laparoscopy tower, at surgeon console. Tinatayang nagkakahalaga ito ng ₱180 million, ayon sa report ng PhilStar Life.

Isa sa mga nanguna sa operasyon ang Kapampangan-based surgeon na si Dr. Ryan Quiambao, head ng Minimal Invasive Section, General Surgery at Robotic Surgery ng JBLMGH. Aniya, malaking milestone para sa bansa ang nasabing operasyon at patunay na kayang makipagsabayan ng mga Pinoy sa larangan ng makabagong surgical care.
Samantala, para naman kay Dr. Al-Jazzer Angas, head ng Robotic Surgery Program at Training Officer ng Department of Surgery ng CRMC, mas ligtas at mas kontrolado ang robotic surgery. May nakahanda rin daw silang laparoscopy at open surgery bilang backup sakaling magkaroon ng problema sa robotic system.
Ayon kay Angas, mas nagiging precise din umano ang pagkilos ng mga surgeon gamit ang robot, kaya mas napadadali ang pagsasagawa ng mas komplikadong operasyon.
Maaari namang makinabang nang libre sa telesurgery ang mga kwalipikadong pasyente sa mga pampublikong ospital na may zero-balance billing program. Pwede umanong sagutin ng PhilHealth at medical financial assistance ng Department of Health ang buong gastos ng kanilang magiging operasyon. #
