Bulacan Vice Gov. Castro, binatikos sa nararanasang pagbaha sa probinsya; asawang si Sunshine Garcia, dumepensa
Inulan ng pambabatikos online sina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro kasunod ng patuloy na pagbaha sa lalawigan na nakakaapekto sa maraming residente.
Partikular na nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang residente sa paulit-ulit na pagtaas ng tubig tuwing uulan sa mga lugar gaya ng Hagonoy, Calumpit, Balagtas at Paombong. May mga nagtanong kung bakit daw nagpapatuloy ang problema sa kabila ng matagal na nilang panunungkulan.
Dahil dito, naging usap-usapan sa social media ang pananagutan ng mga opisyal sa mga problemang may kaugnayan sa baha at imprastraktura, lalo na sa gitna ng mga alegasyon at kontrobersyang nakapalibot sa flood-control projects.
Sa gitna ng mga patutsada, dumepensa ang aktres at asawa ni Castro na si dating SexBomb Girls member Sunshine Garcia.

Sa kanyang Facebook post, hiniling ni Garcia sa publiko na “hayaan” muna raw na magtrabaho ang kanyang asawa at huwag agad ibunton dito ang lahat ng sisi sa mga problemang nararanasan ng Bulacan.
Ipinaliwanag ni Garcia na dati rin niyang inakala na kapag isang politiko ay nasa pwesto, maaari nitong direktang ipagawa ang anumang sirang kalsada o imprastraktura. Ngunit may limitasyon aniya ang kapangyarihan ng bawat posisyon sa pamahalaan.
Ayon kay Sunshine, ang pangunahing tungkulin ni Castro ay nakatuon sa paggawa ng mga lokal na batas at resolusyon, habang ang mga flood control project at pagpapagawa ng kalsada ay nasa ilalim ng ibang ahensya.
Gayunpaman, iginiit niya na hindi rin dito nagtatapos ang pagkilos ng kanyang asawa. Nakikipag-ugnayan umano ang bise gobernador sa mga kinauukulang ahensya upang maghanap ng solusyon sa baha.
Itinanggi rin ng aktres na “papogi” o para sa camera lang ang mga aktibidad ng opisyal. Bagama’t kinikilala niya ang karapatan ng mga residenteng magalit at manawagan ng pananagutan, nakiusap siya na huwag idikit kay Castro ang mga isyung labas sa saklaw ng kanyang posisyon.
Si Castro ay unang naupo bilang bise gobernador noong 2022 at muling nahalal para sa kanyang ikalawang termino noong May 2025 elections. #
