Pay rules para sa Ninoy Aquino Day, inilabas ng DOLE
No work, no pay ang ipatutupad sa mga empleyadong hindi papasok sa trabaho sa Biyernes, August 21, na idineklarang Special Non-working Day dahil sa Ninoy Aquino Day.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), hindi obligado ang employer na magbigay ng sahod sa mga hindi papasok, maliban kung may umiiral na company policy, practice, o collective bargaining agreement na nagbibigay ng bayad.
Para naman sa mga papasok, may dagdag na 30% sa basic wage para sa unang walong oras ng trabaho.
Kung matatapat ang special non-working day sa rest day ng empleyado, 50% naman ang dagdag sa basic wage para sa unang walong oras.
May karagdagang bayad din para sa overtime work, alinsunod sa itinakdang pay rules ng DOLE para sa nasabing special non-working day. #
