Pagtanggal ng system loss charge sa kuryente, isinusulong ni PBBM

Tinitingnan ngayon ng pamahalaan ang iba’t ibang paraan upang maibaba ang buwanang bayarin sa kuryente ng mga mamamayan. Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gastusin na lalong nagpapabigat sa bulsa ng mga konsyumer.
Ilan sa mga pangunahing itinutulak ngayon ay ang pag-aalis sa mga karagdagang singil gaya ng Systems Loss Charge.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong July 27, sinabi ni Marcos na hindi dapat ipasa sa mga mamimili ang bayarin para sa pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution system dahil hindi naman sila ang sanhi nito.
“At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay, panahon na para tanggalin na natin ang systems loss na pinapasa sa consumer. Pinapasa ito sa konsyumer at ikinakarga sa bill na pinapatungan pa ng value-added tax. Hindi naman kasalanan ng konsyumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na kailangang sila pa ang pagbabayarin dito. Therefore, we, their people, request, no we demand for the immediate amendment of the EPIRA,” pahayag ni PBBM.
Sa ilalim ng kasalukuyang EPIRA na ipinasa noong 2001, pinapayagan ang mga power utility na singilin ang consumers para sa systems loss bilang bahagi ng kanilang electric bill.
Ang systems loss ay tumutukoy sa bahagi ng kuryenteng nawawala habang ipinapadala mula sa power plants hanggang sa mga tahanan at establisyimento. Maaari itong dulot ng natural na pagkawala sa linya o ilegal na pagkonsumo ng kuryente.
Pero ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, posibleng abutin pa ng isang taon bago umano mapatupad ang pagtanggal sa systems loss sa bill sa kuryente.
“I would say before the next SONA, 1 year. Hindi kasi ganon kadali na we can issue policies, but the implementation side of the electric coops. They have to purchase some new equipment, so it will take time talaga. Pero tatrabauhin ho yan ng DOE at ERC as mandated by the President para mabawasan po ang bill nila, ng mga tao,” ani Garin.
Samantala, kaugnay nito, naghain si Senator Erwin Tulfo ng mga panukala para alisin ang systems loss charge, gawing exempt dito ang 12% Value-Added Tax (VAT), at ipawalang-bisa ang Energy Tax Law.
Ayon kay Tulfo, layunin ng mga panukala na mapagaan ang gastusin ng publiko na bukod sa konsumo ng kuryente ay nagbabayad pa ng iba’t ibang dagdag-singil sa kanilang bill.
Gayunman, kailangan pa umanong tukuyin ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung magkano ang eksaktong matitipid ng mga konsyumer sakaling maisabatas ang mga pagbabago. #
