Kapampangan, itinalaga sa Court of Tax Appeals ni PBBM
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Kapampangan na si Debbie Jean Centeno-Dijamco bilang bagong Associate Justice ng Court of Tax Appeals (CTA).

Nagsilbi siyang Undersecretary ng Department of Education (DepEd) mula 2025 hanggang 2026. Tubong Barangay San Jose Malino sa Mexico, Pampanga ang kanyang ama, habang mula naman sa Lubao ang kanyang ina.
Bago ang kanyang appointment, bumisita at nagsagawa ng inspeksyon si Centeno-Dijamco, bilang DepEd Undersecretary, sa mga proyekto ng kagawaran sa Malino Elementary School sa Mexico, Pampanga nitong unang linggo ng Hulyo.

Bago pumasok sa DepEd, mahigit isang dekada siyang naging Judicial Staff Head ni dating CTA Presiding Justice Roman del Rosario mula 2013 hanggang 2025, matapos magsilbi bilang Court Attorney sa isang Regional Trial Court.
Mayroon din siyang mahigit sampung taong karanasan bilang tax at corporate lawyer sa SyCip Gorres Velayo & Co. mula 1999 hanggang 2010.
Nagtapos si Centeno-Dijamco ng Bachelor of Arts in Economics sa University of Santo Tomas noong 1995 at Bachelor of Laws sa San Beda College noong 1999. Tinapos din niya ang Management Development Program ng Asian Institute of Management noong 2007 at ang Pre-Judicature Program for Appellate Courts ng Philippine Judicial Academy noong 2022. #
