Shiwen Lim, hindi pinayagang magpiyansa sa mga kasong estafa
Mananatili pa rin sa piitan si Pampanga 3rd District Board Member Shiwen Lim makaraang ibasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 171 sa Valenzuela City ang kanyang petisyong makapagpiyansa kaugnay ng anim na kaso ng large-scale estafa.

Ayon kay Presiding Judge Ayn Marie Grace Barit-Carig, malakas ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution laban sa opisyal upang patunayan ang kanyang pagkakasala sa kasalukuyang bahagi ng paglilitis.
Nag-ugat ang mga kaso kay Lim sa reklamo ng ilang investors na pumasok sa kanyang mga negosyo tulad ng restaurant, kung saan hindi diumano naibalik ang kanilang kapital at tubo.
Bukod dito, lumabas din sa record ng Securities and Exchange Commission (SEC) na walang lisensya ang kanyang kumpanya para mangalap ng investment mula sa publiko.
Samantala, nilinaw ng hukuman na bagama’t dalawa sa anim na kaso ang hindi pa naiprisinta ng prosecution, wala pa ring sapat na dahilan upang payagan siyang magpiyansa.
Matatandaang inilipat ang pagdinig ng kaso ni Lim sa Valenzuela City mula Pampanga bilang pagsunod sa utos ng Korte Suprema na ilayo ang paglilitis ng mga public official sa lugar kung saan sila may political power.
Kusa siyang sumuko noong March 2026 matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Bago pa man makulong, inihayag na ng opisyal na nakikipag-ayos na siya sa mga complainant at nag-aalok na bayaran ang mga ito nang paunti-unti o installment.
Si Lim ang kauna-unahang sitting provincial board member sa Pampanga na naaresto kaugnay ng kasong kriminal.
Bukod sa kasalukuyang pagkakadetene, may iba pa siyang umiiral na warrant of arrest. Ipinag-utos na rin na isailalim sa garnishment ang kanyang sweldo para sa isang civil collection case. #
