Empleyado ng Angeles City Hall, kinilala matapos isauli ang napulot na cellphone
By Nissa Alfaro, CLTV36 News
Naging halimbawa ng katapatan ang isang kawani ng Angeles City Hall matapos nitong dalhin sa City Information Office (CIO) ang napulot na cellphone upang maibalik sa may-ari.
Kinilala ang empleyado na si Clarence S. Liwanag ng Business Permit and Licensing Division (BPLD).

Nakita raw ni Liwanag ang cellphone na naiwan sa harap ng rotonda habang papasok sa trabaho. Agad niya itong pinulot at dinala sa naturang tanggapan upang matukoy ang may-ari. Kalaunan, na-contact ang mga magulang ng may-ari at naibalik ang nawawalang cellphone.
Inakala umano ng may-ari na nahulog ang cellphone niya sa isa sa dalawang tricycle na kanyang nasakyan habang bumibiyahe papuntang Barangay Pandan. Malaking ginhawa raw ang kanyang naramdaman nang maibalik ito kaya nagpasalamat siya kay Liwanag sa ipinakitang katapatan.
Pinuri naman ng Angeles City LGU si Liwanag dahil sa kanyang integridad at pagsasauli ng nawawalang gamit.
Ayon kay Liwanag, ang pinakamahalagang gantimpala para sa kanya ay ang malaman na nagawa niya ang tama. Bilang isang kawani ng pamahalaan, naniniwala raw siyang ang katapatan at responsibilidad ay nagsisimula sa sariling pagkatao at sa loob ng pamilya, at ito rin ang dapat na isabuhay sa serbisyo publiko. #
