Operasyon ng Chuang Xing Steel sa Magalang, pansamantalang nahinto; 300 manggagawa, apektado
Tinatayang 300 manggagawa ang apektado matapos pansamantalang huminto ang operasyon ng Chuang Xing Steel Corporation sa Brgy. Navaling, Magalang kasunod ng implementasyon ng search warrant ng National Bureau of Investigation-Cyber and Financial Management Investigation Unit (NBI-CFMIU).

Ayon kay Jodie Ragodos, isa sa mga manggagawang nadatnan ng CLTV36 News sa harap ng gate ng planta, marami sa kanila ang hindi agad nakapasok sa trabaho. Aniya, may mga empleyadong naghintay sa labas habang ang iba naman ay pansamantalang umalis. Mayroon ding naghakot ng kanilang mga personal na gamit dahil wala pang katiyakan kung kailan sila makakabalik sa trabaho habang nagpapatuloy imbestigasyon.
Batay sa information report ng Magalang Municipal Police Station, isinailalim sa inquest proceedings bandang 6:40 ng gabi noong July 19 ang apat na key officers ng kumpanya na sina Honggou Wang, Lyu Yang, Lyu Jingdong, pawang Chinese nationals, at Ma. Irish Casipe, isang Pilipino.

Nahaharap sila sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 6969, Presidential Decree No. 1586, Republic Act No. 8749, Republic Act No. 12305, at Republic Act No. 7394.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang NBI hinggil sa mga detalye ng operasyon at mga ebidensyang nakumpiska. Wala pa ring inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Chuang Xing Steel Corporation kaugnay ng mga alegasyon at sa epekto ng pansamantalang paghinto ng operasyon sa kanilang mga empleyado.
Patuloy namang mino-monitor ng mga otoridad ang sitwasyon sa planta habang hinihintay ang susunod na development sa kaso. Ayon sa Magalang MPS, agad nilang ipapaabot sa kanilang higher headquarters ang anumang bagong impormasyon.
Samantala, patuloy ring hihingin ng CLTV36 News ang pahayag ng NBI at ng pamunuan ng Chuang Xing Steel Corporation upang maipresenta ang lahat ng panig ng usapin. #
