₱99-M septage treatment plant sa Angeles City, hindi pa rin operational
Hindi pa rin operational ang tinatayang ₱99-million na septage treatment plant ng Angeles City Water District (ACWD) sa Brgy. Cutud, batay sa paunang impormasyong nakalap ng CLTV36 News.
Sa mga larawang kuha news team, makikita rin ang dalawang desludging truck na binili ng ACWD na nakaparada sa loob ng compound. Nagkakahalaga ang mga ito ng kabuuang ₱20-million at nakalaan para sa pagkolekta ng laman ng mga septic tank mula sa mga kabahayan at establisyimento.

Batay sa ulat ng SunStar Pampanga, itinayo ang septage treatment plant sa humigit-kumulang 4,000-square-meter na lupain na aabot sa halagang ₱100-million at may kakayahan umanong magproseso ng 85 hanggang 100 cubic meters ng septage kada araw.
Ayon pa sa report, bagama’t kumpleto na noon ang pasilidad at mayroon nang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR-Environmental Management Bureau, hindi pa ito naipapatakbo dahil hinihintay pa ang pag-apruba sa mga singiling ipapataw sa mga concessionaire.
Ang nasabing usapin ay bahagi ng dokumentaryong inihahanda ng CLTV36 News na sumusuri sa mga pamumuhunan ng water service providers para sa wastewater at septage management, proteksyon sa kalidad ng tubig, at pagsunod sa Republic Act No. 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004.
Patuloy na kinukuha ng CLTV36 News ang panig ng ACWD kaugnay ng kasalukuyang lagay ng pasilidad.
Abangan ang buong pagsisiyasat sa dokumentaryo ng CLTV36 News.
###
