Koreanong wanted sa multi-million telecom scam, arestado sa Pampanga
ANGELES CITY, Pampanga — Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 44-anyos na South Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa isang multi-million telecom scam.
Kinilala ang suspek na si Park Junhyeon, na naaresto sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Balibago sa isinagawang operasyon nitong Linggo, June 28.

Ayon sa BI, si Park ay sakop ng isang Interpol Red Notice na inilabas noong May 7, 2026, kasunod ng warrant of arrest mula sa Busan District Court sa South Korea para sa kasong fraud.
Sa imbestigasyon, napag-alamang pinamunuan umano ni Park at ng kanyang mga kasamahan ang isang “no-show” telecom scam. Nagpanggap umano siyang negosyante at nangakong ibabalik ang halaga ng mga produktong ipabibili sa kanyang ngalan, dahilan upang mabiktima ang pitong indibidwal.
Tinatayang umabot sa KRW 170 million ang halagang natangay ng grupo mula sa 24 na magkakahiwalay na transaksyon. Dahil dito, idineklara siya ng BI bilang isang “undesirable alien” at isinailalim sa watchlist.
Bukod sa mga kasong kinakaharap sa South Korea, natuklasan din ng BI na overstaying na si Park sa Pilipinas. Huli siyang dumating sa bansa noong December 12, 2025 bilang turista, at nag-expire ang kanyang permit noong June 9, 2026.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration Warden Facility ang koreano habang isinasagawa ang booking at documentation procedures at inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa kanyang deportation. #
