Pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, muling tinutulan ng Sangguniang Bayan ng Morong
MORONG, Bataan — Sa kabila ng mga muling pagsusulong sa national government na buksan ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) bilang solusyon sa krisis sa kuryente, isang matatag na “HINDI” ang naging tugon ng Sangguniang Bayan ng Morong.

Sa isang opisyal na hakbang, muling pinagtibay ng lokal na lehislatura ng Morong ang kanilang paninindigan laban sa operasyon ng 621-megawatt Westinghouse reactor na matatagpuan sa Napot Point. Ayon sa pamahalaang bayan, nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga mamamayan, pangangalaga sa kalikasan, at kapakanan ng susunod na henerasyon kaysa sa mga pangako ng murang enerhiya.

Kasabay nito, ginunita rin ng mga grupong tumututol sa BNPP ang ika-41 anibersaryo ng Welgang Bayan Laban sa Plantang Nukleyar noong June 18-20, 1985. Sa naturang pagkilos, nagtipon ang libu-libong mamamayan mula sa Bataan, Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tagalog upang pigilan ang operasyon nito sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Ayon sa mga lokal na lider at environmental advocates, ang mga panganib na tinukoy sa nakalipas na apat na dekada ay nananatiling banta na malapit sa Bulkang Natib at active fault lines, gayundin ang mga posibleng epekto ng radiation sa kalusugan at kapaligiran.

“Hindi isang solusyon ang BNPP, kundi isang paalala ng isang malaking panganib na nagdaan na muntik nang magdulot ng sakuna sa ating bansa, katulad ng nangyari sa Chernobyl noong 1986,” pahayag ng mga anti-nuclear advocate na sumusuporta sa desisyon ng konseho.
Sa hakbang na ito ng SB, muling napatunayan na ang tunay na kapangyarihan at pagpapasya sa paggamit ng teknolohiya at likas-yaman ay dapat magmula sa boses at pahintulot ng lokal na mamamayan na siyang direktang makararanas ng epekto nito. #
