Phase 1 ng Tulaoc Bridge construction sa San Simon, patapos na
Sinimulan na ang pagkakabit o ‘launching’ ng mga girder sa Tulaoc Bridge bilang bahagi ng pagtatapos ng Phase I ng proyekto, batay sa ulat ng San Simon Public Information Office (PIO).

Itinuturing ang hakbang na ito na isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng konstruksyon upang tuluyang mabuo ang pangunahing istruktura ng tulay.
Inaasahan namang sunod na sisimulan sa mga darating na linggo ang Phase II nito para sa iba pang mga pangunahing gawain hanggang sa tuluyang makumpleto.

Matatandaang sinimulan ang proyekto noong June 2024 at una itong planong matapos noong January 2026. Ngunit kalaunan ay inusog ang completion date sa February 2026 na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod.
Humihingi naman ng paumanhin at malawak na pang-unawa ang lokal na pamahalaan sa mga residente habang patuloy ang mga aktibidad sa naturang lugar.
Nitong Mayo nang almahan ng ilang apektadong residente ang naturang proyekto dahil sa umano’y mabagal na pagsasaayos dito. Giit nila, malaking perwisyo na ang dulot nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, lalo na sa mga estudyante. #
