Baha at high tide, hindi hadlang sa pag-aaral sa Telacsan NHS sa Macabebe

Nananatiling mataas ang morale ng mga teaching personnel sa Telacsan National High School sa bayan ng Macabebe, Pampanga sa kabila ng hindi pangkaraniwang pagbubukas ng klase sa kanilang paaralan.
Taon-taon kasing hinaharap ng campus ang pagbaha — hindi lamang tuwing umuulan kundi maging kapag high tide sa kanilang coastal community.
Ayon sa School Principal na si Jojokyle Carencia, hindi biro ang pagtuturo sa isang low-lying area ng Pampanga kung saan ang pagpasok sa paaralan ay kadalasang kaakibat ng pakikibaka sa tubig.
Gayunman, nananatiling matatag ang dedikasyon ng mga guro dahil sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral na nangangarap makapagtapos. Mula sa humigit-kumulang 500 enrollees noong nakaraang pasukan, umabot na sa 600 ang bilang ng mga naka-enroll ngayong school year.
Ayon kay Carencia, patunay ito na sa kabila ng hirap ng sitwasyon, nananatili ang tiwala ng mga magulang at estudyante sa paaralan.
Bukod sa nakaprogramang house-to-house learner tracking ng DepEd, mayroon ding sariling strategy ang mga guro upang hikayatin ang mga magulang na ipasok sa paaralan ang kanilang mga anak at maiwasang mahinto ang pag-aaral.
Sa aktuwal na kalagayan sa campus, gumagamit pa ng pumping system ang paaralan upang maalis ang tubig sa compound. Ayon sa mga tauhan ng paaralan, tumataas ang tubig sa ilang bahagi ng campus kahit walang ulan dahil sa epekto ng high tide. #
