3 centenarian sa Angeles City, tumanggap ng tig-₱100-K
Sa isang simpleng seremonya, pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Angeles ang tatlong centenarian na sina Rosita Marquez, Felipa Mendoza, at Rosa Tiatco.

Sila ang mga residenteng kamakailan lamang ay umabot sa edad na isang daang taon at patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanilang pamilya at komunidad.
Kasabay ng pagkilala, natanggap din nila ang insentibong nakapaloob sa Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarians Act.
Kabilang dito ang one-time cash gift na nagkakahalaga ng ₱100,000 at isang liham ng pagkilala mula sa Pangulo ng bansa, na ibinibigay lamang sa mga Pilipinong umaabot sa edad na isang daang taon.
Ayon sa LGU, ang programa ay simbolo ng pagpapahalaga sa katatagan at kontribusyon ng mga nakatatandang Angeleño na nagsilbing gabay sa kanilang pamilya at komunidad.
Kasabay nito, tiniyak ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) na magpapatuloy ang mga programa at serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mga nakatatanda sa siyudad, kabilang ang tulong medikal, social pension, at iba pang hakbang upang mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay.
