Rescue ops sa gumuhong 9-storey building sa Angeles City, pinapabagal ng delikadong debris

Patuloy ang search and rescue operations sa gumuhong siyam na palapag na gusali na under construction sa Teodoro St., Brgy. Balibago, Angeles City madaling araw nitong Linggo, May 24.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang 3 AM kasunod ng malakas na ulan at hangin na naranasan sa lungsod noong Sabado ng gabi.
Sa pinakahuling datos as of 10:30 AM ngayong Lunes, May 25, umabot na sa 47 ang kabuuang bilang ng mga biktima. Sa bilang na ito, 26 na ang nailigtas, 16 pa ang nawawala, habang apat ang kumpirmadong nasawi.
Apektado rin sa pagguho ang ilang katabing establisimyento kabilang ang dating Lorietas Building at Norma’s Money Changer.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), “pancake collapse” ang nangyari sa gusali kung saan halos dikit-dikit ang bumagsak na mga palapag, dahilan para maging limitado ang mga “void spaces” na maaaring pasukan ng rescuers habang nagpapatuloy ang retrieval at search operations.
Kahapon, May 24, personal na nagtungo sa area sina DPWH Secretary Vince Dizon, kasama sina MMDA General Manager Nicolas Torre III at Angeles City Mayor Jon Lazatin.
Ayon kay Dizon, isa sa pinakamalaking hamon sa operasyon ang pagiging “unstable” ng lugar.
“Ang pinakamahirap dito is very unstable ’yung site. Dahil nga under construction pa ito, puro mga scaffolding, puro mga bakal ang nagho-hold sa ibang mga debris, so kailangan talaga dito is mano-mano ’yung pagtanggal ng debris. So ’yun ang malaking challenge ngayon. Hindi lang sa search and rescue, challenge din ito, delikado ’yung mga rescuers natin. Siyempre, priority rin natin ’yung safety ng mga rescuers natin,” ani Sec. Dizon.
Nakaantabay naman daw ang hindi bababa sa anim na heavy equipment ng DPWH kung sakaling kailanganin na sa clearing operations.
Samantala, sinabi naman ni Lazatin na mahigit 70 umano ang karaniwang nagtatrabaho sa gusali, ngunit marami raw ang umuwi dahil weekend kaya hindi pa matiyak ang eksaktong bilang ng mga na-trap.
As of May 24, hindi pa rin daw nakakausap ng alkalde ang mismong may-ari ng gusali at ang contractor nito.
“Wala pa pong dumating sa side ng contractor. Ang dumating lang po ’yung representative ng owner. Siyempre wala naman silang madi-disclose talaga. Siyempre ang unang-una talagang kailangan diyan ang project engineer saka ’yung nag-design ng gusali,” pahayag ni Lazatin.
Nakapagbigay na raw ng paunang tulong ang Angeles City government sa mga naging biktima ng naturang trahedya.
Sa ngayon, nagpadala na rin ang Police Regional Office 3 ng 175 police personnel upang tumulong sa BFP, AFP, at Angeles CDRRMO para sa search and retrieval operations, traffic management, at seguridad sa paligid ng gumuhong gusali. #
