Bilang ng teen pregnancy cases sa Central Luzon, bumaba: CPD-III
Bumaba nang 21.3% ang kaso ng adolescent pregnancies sa Central Luzon mula 2020 hanggang 2024, ayon sa Commission on Population and Development (CPD) Region 3.
Mula sa 18,722 na naitalang panganganak noong 2020, bumaba ito sa 14,729 noong 2024. Mas mataas ito sa national decline na 11.7% sa kaparehong panahon.
Sa kabila nito, nananatiling ikalawa ang rehiyon sa buong bansa pagdating sa dami ng adolescent births.
Iniugnay ng CPD ang pagbaba sa mas pinalakas na pagpapatupad ng mga programa sa adolescent health and development.
Kabilang dito ang pinalawak na reproductive health education at youth-focused services sa ilalim ng Regional Population and Development Plan of Action mula 2023 hanggang 2028.
Gayunman, ikinababahala ang matinding pagtaas ng kaso sa mas batang edad na 10 hanggang 14, na umakyat mula 270 noong 2020 sa 445 noong 2024 o halos 65%.
Ayon sa ahensya, indikasyon ito ng mas malalim na suliranin tulad ng kakulangan sa child protection at posibleng exposure sa pang-aabuso.
Dahil dito, nanawagan ang CPD Region 3 ng mas pinaigting na hakbang para sa proteksyon ng kabataan, gaya ng mas malawak na access sa age-appropriate sexuality education, adolescent-friendly health services, at mas mahigpit na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan at komunidad. #
