Inasal at adobo, kabilang sa World’s Best Chicken Dishes ng TasteAtlas
Patuloy na nakikilala ang mga lutuing Pilipino sa pandaigdigang entablado matapos muling pumasok ang ilan sa paborito nating chicken dishes sa pinakabagong ranking ng TasteAtlas ngayong Abril.


Nanguna sa listahan ang inasal na manok bilang Best Chicken Dish sa Southeast Asia at nakakuha rin ng ikatlong pwesto sa pinakamahusay na chicken dishes sa buong mundo. Sa nakaraang ranking noong November 2025, nanguna rin ito sa rehiyon at nasa 10th place naman sa global list.
Ayon sa TasteAtlas, ang inasal na manok mula sa Western Visayas ay kilala sa smoky aroma at natatanging lasa na nagmumula sa marinade na may suka, lemongrass, bawang, at luya, habang pinapahiran ng annatto oil sa pag-iihaw na nagbibigay ng kulay at dagdag na lasa.
Samantala, kasama rin sa ranking ang adobong manok, na pumwesto sa ikaanim sa Southeast Asia at ika-40 sa buong mundo. Inilarawan ito bilang isang classic Filipino dish na may balanseng lasa ng alat, asim, at tamis mula sa kombinasyon ng suka, toyo, bawang, at iba pang sangkap.
Tinanggap ng Department of Tourism (DOT) ang pagkilalang ito bilang patunay ng lumalakas na presensya ng lutuing Pinoy sa pandaigdigang turismo at kultura.
Ayon sa ahensya, hindi lamang para sa mga pagkain ang ganitong mga pagkilala kundi nakatutulong din sa kabuhayan ng mga magsasaka, negosyante, at chef na bahagi ng industriya ng pagkain sa bansa. #
