Declogging sa mga drainage system sa CSFP, patuloy na isinasagawa bilang paghahanda sa tag-ulan
Halos puro basura at maitim na tubig ang nahalukay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isinagawang declogging operation sa mga drainage system ng City of San Fernando.
Bahagi ito ng clean-up drive ng DPWH Pampanga 1st District Engineering Office bilang paghahanda sa tag-ulan.
Ayon kay Engr. Alfie Lejarde, nakatutok ang kanilang team sa bahagi ng Brgy. San Nicolas sa kahabaan ng MacArthur Highway sa tapat ng Camp Olivas. Isa ito sa mga business district ng CSFP na may mababang elevation kaya malaking perwisyo sa trapiko, negosyo at commuters kapag tumataas ang tubig dito.
Matatandaang matagal nang napapansin sa ilang bahagi ng MacArthur Highway ang hindi pantay na engineering intervention kung saan may mataas at may mababang parte ng kalsada. May bahagi ring hindi pa ganap na kumpleto ang drainage system, dahilan upang magmistulang dam at pamahayan ng tubig-ulan ang ilang lugar.
Ayon sa ilang pag-aaral, malaking bahagi ng urban flooding ay pinalalala ng baradong kanal, pagtatapon ng basura, putik mula sa runoff, at maruming tubig na diretsong pumapasok sa estero at ilog.
Sa Central Luzon, matagal nang hamon ang siltation at polusyon sa mga pangunahing daluyan gaya ng Pampanga River at mga tributary nito. Kaya para sa mga residente, hindi lamang simpleng declogging ang kailangan kundi pangmatagalang drainage masterplan upang mabawasan ang taunang pagbaha sa kabisera ng probinsya. #
