Mataas na presyo at kakulangan ng agri inputs, posibleng banta sa food production
Nanawagan ng agarang aksyon sa pamahalaan si Concepcion, Tarlac Mayor Noel Villanueva kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo at kakulangan ng agricultural inputs.

Aniya, direkta itong nagpapabigat sa mga magsasaka sa gitna ng paghahanda para sa planting season.
“Mr. President, we respectfully urge your immediate and decisive action,” ani Villanueva sa kanyang mensahe kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Binigyang-diin ng alkalde na bagama’t handa na ang ilang magsasaka para sa pagtatanim, hindi maikakaila ang bigat ng gastusin sa pataba, pesticide, at iba pang farm inputs na lalo pang pinapalala ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Dagdag pa niya, kinakailangan na umano ang malinaw at konkretong polisiya mula sa National Government upang maagapan ang posibleng pagbagsak ng produksyon ng pagkain.

“The sooner we act, the better—bago pa ito tuluyang maging irreversible,” saad ni Villanueva.
Sa panig ng Department of Agriculture, kinumpirma ni Region 3 Director Eduardo Lapuz, Jr. sa CLTV36 News na may kakulangan sa supply ng abono at kapansin-pansin din ang matinding pagtaas ng presyo nito.
“Dati nasa ₱1,200 lang ang isang sako ng pataba, ngayon umaabot na sa ₱2,500,” ani Lapuz.
“Tinitingnan din natin ang posibilidad ng hoarding, pero sa ground, ang realidad kulang talaga ang supply,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Lapuz, posibleng makaapekto ito sa productivity ng tinaguriang “food basket” ng rehiyon, dahilan upang pag-aralan ang alternatibong paggamit ng organic fertilizers. #
