Mga nagpapanggap na inspector, bantay-sarado ng DOLE
Naglabas ng babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) matapos makatanggap ng ulat tungkol sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang labor inspector at gumagamit ng pekeng dokumento.
Ayon sa DOLE, ginagamit ng mga nagpapanggap ang ganitong modus upang manlinlang, manakot, at ilegal na makapaningil sa mga establisimyento at manggagawa.
Giit ng ahensya, labag sa batas ang naturang gawain at mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang sangkot.

Binigyang-diin ng DOLE na ang mga lehitimong labor inspector ay may dalang opisyal na ID at authorization, at ang lahat ng inspeksyon ay isinasagawa ayon sa umiiral na proseso. Wala ring hinihinging bayad kapalit ng kanilang serbisyo.
Pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga kahina-hinalang dokumento o hindi beripikadong transaksyon.
Hinihikayat din ang mga establisimyento at manggagawa na humingi ng wastong pagkakakilanlan ng mga nagsasagawa ng inspeksyon at tiyaking beripikado ito sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE.
Para sa anumang kahina-hinalang aktibidad, maaaring i-report ito sa mga kinauukulan o tumawag sa DOLE Hotline 1349. #
