Umano’y ilegal na paglipat ng CLOA lands sa Bataan, iniimbestigahan ng NBI

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong may kaugnayan sa umano’y ilegal na paglilipat ng mga lupang saklaw ng agrarian reform sa Bataan.
Ayon sa NBI, nasa tanggapan na nila ang tinatayang 20 magsasaka upang magsumite ng sinumpaang salaysay at mga dokumentong magsisilbing ebidensya.
Batay sa reklamo, ang mga lupang may Certificates of Land Ownership Award (CLOA) ay sinasabing nailipat sa isang private corporation na umano’y konektado sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at ilang personalidad, kabilang si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ipinunto rin ng mga complainant na isinagawa ang paglilipat ng lupa nang walang pahintulot mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), na posibleng paglabag umano sa umiiral na batas sa agrarian reform.
Lumilitaw din sa paunang impormasyon ang umano’y pamemeke ng ilang dokumento kaugnay ng pagproseso at paglipat ng mga titulo ng lupa.
Sa kasalukuyan, patuloy ang case build-up ng NBI upang matukoy kung may sapat na batayan sa pagsasampa ng kaso at kung sinu-sino ang maaaring managot.
Tiniyak naman ng ahensya na magiging patas at naaayon sa batas ang imbestigasyon, kasabay ng pagprotekta sa karapatan ng mga benepisyaryo ng agrarian reform. #
