Pawikan na naipit sa lambat sa Aurora, nasagip na at pinakawalan sa dagat
Matagumpay na nasagip at naibalik sa karagatan ang isang female Olive Ridley sea turtle sa bayan ng Casiguran, Aurora.
Ito’y matapos aksidenteng maipit ang pawikan sa lambat ng isang mangingisda sa karagatan ng Barangay Cozo, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Iniulat ng isang concerned citizen ang insidente sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Casiguran kaya agad na rumesponde ang mga otoridad.
Sumailalim muna sa pagsusuri at nilagyan ng tag ang pawikan upang masubaybayan ang kalagayan nito.
Kinumpirma rin ng mga tauhan ng CENRO na wala itong natamong sugat at nasa maayos na kondisyon. Kalaunan, ligtas itong pinakawalan sa baybaying dagat ng Barangay Dibacong sa tulong ng Municipal Environment and Natural Resources Office at ng mamamayang nag-turnover ng hayop.
Apela ng DENR sa publiko, agad na iulat sa mga otoridad ang mga kaparehong insidente upang matulungan ang mga hayop na nangangailangan ng rescue.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature, kabilang sa “vulnerable” category ang Olive Ridley sea turtle, at patuloy ang pagbaba ng populasyon nito sa buong mundo dahil sa bycatch, pagkasira ng tirahan, at labis na pangingisda.
Bagama’t itinuturing na isa sa pinakamaraming uri ng pawikan sa mundo, nananatiling mahalaga ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad upang maprotektahan ang species at mapanatiling balanse ang marine ecosystem. #
