Labi ng Pinay caregiver na nasawi sa airstrike sa Israel, hindi pa maiuuwi sa Pilipinas: DMW
Hindi pa agad maiuuwi sa Pilipinas ang labi ng Filipina caregiver na nasawi sa airstrike sa Israel matapos manatiling sarado ang ilang airspace sa Middle East dahil sa patuloy na tensiyon sa rehiyon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kailangan pang maghintay ng tamang panahon bago maisagawa ang repatriation ng 32-anyos na si Mary Ann de Vera patungo sa kanyang bayan sa Basista, Pangasinan, upang matiyak ang kaligtasan at maayos na proseso ng pag-uwi ng kanyang mga labi.
Sinabi ng ahensya na nauunawaan ng pamilya ni De Vera, kabilang ang kanyang asawa na isa ring Overseas Filipino Worker sa Israel, ang kasalukuyang sitwasyon dulot ng nagpapatuloy na sigalot.
Patuloy rin umano ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Israeli government na tumutulong sa mga kinakailangang hakbang para sa repatriation.
Nagpadala na rin ng assistance teams ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang alalayan ang pamilya ng biktima sa Pangasinan, habang may hiwalay na team na tumutulong sa kanyang asawa sa Tel Aviv.
Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang tulong at suporta sa naulilang pamilya, kabilang ang pinansyal at iba pang assistance.
Si De Vera ang unang Pilipinong napaulat na nasawi sa gitna ng lumalalang tensiyon sa Middle East matapos siyang tamaan ng shrapnel habang tinutulungan ang kanyang ‘elderly ward’ na makarating sa bomb shelter sa Tel Aviv nitong Sabado, February 28. #
