Beteranong Kapampangan photojournalist na si Alex Baluyut, pumanaw sa edad na 69
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Pumanaw na ang batikang Kapampangan photojournalist na si Alejandro ‘Alex’ Baluyut sa edad na 69 nitong Biyernes, February 27. Inanunsyo ito ng kanyang asawa na si Precious Leano.

Si Baluyut ay itinuturing na isang alamat sa larangan ng Philippine photojournalism at isang tunay na bayani sa puso ng mga nakakakilala sa kanya.
Naging tanyag si Baluyut sa kanyang matalas na mata para sa katarungan. Ang kanyang lente ang nakakita sa mga makasaysayang sandali ng Martial Law at ng EDSA People Power Revolution noong 1986—mga larawan ng tapang, pag-asa, at laban ng sambayanang Pilipino.
Hindi rin natigil ang kanyang malasakit sa labas ng kamera. Kasama ang kanyang maybahay, itinatag nila ang Art Relief Mobile Kitchen (ARMK) na namimigay ng libreng pagkain sa mga nasalantang komunidad sa buong bansa. Ang tanging hinihingi nilang kapalit? Isang simpleng ngiti.
Sa kanyang buhay, nakamit ni Baluyut ang dalawang National Book Awards, at nag-iwan ng mga larawan at kwento na mananatiling inspirasyon sa susunod na henerasyon. Ngunit higit pa sa mga parangal, ang kanyang pamana ay nasa bawat pusong natulungan at bawat taong kanyang nakasama. #
