Alex Eala portraits, masisilayan sa Nike Headquarters sa US
Bago magsimula ang kanyang kampanya sa prestihiyosong Indian Wells Tournament sa California, bumisita si Filipina tennis superstar Alex Eala sa Nike Headquarters sa Oregon, USA.
Ibinahagi ni Eala sa kanyang Instagram stories ang mainit at personal na pagtanggap mula sa kilalang sportswear brand. Makikita rin sa kanyang post ang mga poster na nagtampok ng mahahalagang sandali ng kanyang karera.
Isa sa mga agaw-pansin ang sampaguita-inspired shirt na idinisenyo para sa kanya, bilang pagpupugay sa kanyang Pinoy roots, pati na rin ang special edition shoes.
Sa isang larawan, muling ini-record ni Eala ang kanyang iconic win laban kay World No. 2 Iga Świątek ng Poland sa Miami Open noong nakaraang taon.
Patunay ang pagkakataong ito ng lumalaking global profile ni Eala bilang isa sa pinakamagagaling na atleta ng Pilipinas sa larangan ng tennis.
Susunod na haharapin ni Eala ang BNP Paribas Open sa Indian Wells na magsisimula sa Martes, March 4, at posibleng maging seeded player siya dahil sa kanyang 31st world ranking ngayon.
Kasabay ng kanyang pag-akyat sa ranggo, nakatutok ang mga mata ng tennis world sa kanyang laban sa reigning champion na si World No. 8 Mirra Andreeva ng Russia. #
