Angeleño athletes, humakot ng medalya sa Asian Open Swimming Championship 2026
Muling pinatunayan ng mga young swimmer mula sa Angeles City ang kanilang world-class na galing matapos humakot ng mga medalya sa Asian Open Schools Invitational Swimming Championship 2026.
Sa kompetisyong ginanap sa Bangkok, Thailand noong January 29 hanggang February 1, iisang layunin ang bitbit ng mga atletang Angeleño: ang itaas ang bandila ng Pilipinas at ang dangal ng kanilang lungsod. Itinanghal bilang Most Outstanding Swimmer at Best International Athlete si Riannah Chantelle Coleman.
Pinangunahan ni Coleman ang delegasyon matapos sungkitin ang mga gintong medalya sa 50m, 100m, at 200m breaststroke, 50m at 100m butterfly, 200m individual medley, at 50m freestyle finals champion. Hindi rin nagpahuli ang kapwa Angeleño na si Jet Deryl Berueda na kinilala ring Most Outstanding Swimmer.
Bukod sa kanyang mga ginto at pilak na medalya, gumawa rin siya ng kasaysayan sa Thailand matapos magtala ng limang bagong meet records sa iba’t ibang freestyle at butterfly events, na nagpatunay sa bilis ng atletang Kapampangan.
Nagpakita rin ng pambihirang lakas si Sebastien Isidore Marcelo. Matagumpay niyang nakuha ang mga gintong medalya sa 50m, 100m, at 200m breaststroke, habang winasak naman niya ang tatlong meet records ng paligsahan.
Kasama rin sa mga nag-uwi ng karangalan para sa lungsod sina Joshua Miguel Roa — gold at bronze medalist; Stellaluna Fe Maglalang — silver at bronze medalist; Rodolfo Gavin David — silver at bronze medalist; Adam Nicolas Delos Reyes — silver at bronze medalist; at sina Prince Caleb Tiongson at Joshua Clarke Pollock na parehong bronze medalist.
Kasunod ng kanilang tagumpay, kinilala ng Angeles City Government ang kanilang ipinamalas na husay sa international arena at binigyang-diin ang patuloy na suportang ibibigay para sa mga atleta ng lungsod. #
