Assert San Fernando, iginiit na walang kinalaman ang mga guro sa anumang vote recount
Mariing iginiit ng Assert San Fernando na walang kinalaman ang mga public school teacher sa City of San Fernando, Pampanga sa anumang recount ng boto kaugnay ng mga isinasagawang electoral protest mula sa nakaraang halalan.
Sa isang opisyal na pahayag, nilinaw ng grupo na hindi bahagi ang mga guro ng alinmang proseso ng vote recount at itinanggi ang alegasyong may tumanggap umano ng bayad o personal na pakinabang kaugnay ng sinasabing training na iniuugnay sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa Assert San Fernando, walang katotohanan ang mga paratang at malinaw umanong layunin lamang nitong dungisan ang reputasyon ng mga guro na matagal nang nagsisilbi sa publiko nang may dangal at propesyonalismo.
Nag-ugat ang usapin sa isang Facebook page na “Laban San Fernando” ukol sa impormasyon na kanilang natanggap na may mga guro na tinatawagan at pinapapunta sa Pradera tuwing Sabado na sinasabing may libreng tour, snacks, at pagkain.
Nakasaad pa sa post na hindi malinaw na nasabihan ang mga guro na may kinalaman pala ang aktibidad sa political exercise. Gayunman, walang inilatag na detalye ang naturang post hinggil sa papel ng mga guro, pati na sa legalidad o uri ng sinasabing training.
Samantala, mariin ding kinundena ng Assert ang paglaganap ng fake news at disinformation, partikular sa social media, na anila’y nagiging kasangkapan sa mga personal and political attack laban sa sektor ng edukasyon.
Hinimok ng samahan ng mga guro ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita online at iwasang magbahagi o maniwala sa mga post na walang malinaw na pinanggagalingan at beripikasyon. #
