15 tripulante ng M/V Devon Bay, ligtas na; 2 patay, 4 patuloy na hinahanap
Ligtas na dumating sa Maynila ang 15 Pilipinong tripulante ng lumubog na cargo vessel na M/V Devon Bay, habang ang dalawang nasawing crew ay isinailalim na sa wastong disposisyon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Dumating ang mga survivor sa Pier 13, Port Area, Manila, madaling araw nitong Lunes, January 26, sakay ng BRP Teresa Magbanua.
Agad silang binigyan ng welfare assistance at logistical support pagdaong sa pantalan.
Nakipag-ugnayan din ang Coast Guard sa Department of Migrant Workers, Bureau of Quarantine, at sa ahente ng barko upang matiyak ang maayos na pagtanggap at pagproseso ng mga nailigtas na tripulante.
Samantala, ang dalawang nasawing crew ay tinanggap ng funeral service provider para sa wastong disposisyon, sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kaanak.
Patuloy naman ang search and rescue operations ng Philippine Navy sa West Philippine Sea upang mahanap ang apat pang nawawalang tripulante ng M/V Devon Bay na tumaob nitong January 23 malapit sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Ayon sa Navy, ipinadala na nila ang BRP Jose Rizal bilang dagdag na puwersa sa isinasagawang operasyon.
Tuloy-tuloy din umano ang koordinasyon sa iba pang ahensya at sasakyang-pandagat na dumaraan sa lugar ng insidente na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. #
