Mga reporma sa detention rules, sinusuri ng Korte Suprema
Pinag-aaralan ng Korte Suprema ang posibleng rebisyon sa Rules of Criminal Procedure upang pahintulutan ang house arrest, hospital arrest, at iba pang alternatibong anyo ng preventive detention.
Bahagi ito ng mas pinalawak na hakbang upang maibsan ang siksikan sa mga kulungan at piitan sa bansa. Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, tinatalakay na ng Court en banc ang mga probisyon para sa custodial hearings.
Layunin umano nito na bigyan ang mga hukuman ng mas maraming opsyon sa paghawak ng mga kaso, lalo na para sa mga persons deprived of liberty na naghihintay pa ng paglilitis.
Samantala, iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bumaba nang 10% ang national congestion rate mula 296% noong Mayo 2025 patungong 286% nitong Setyembre 2025, bunsod ng magkakaugnay na decongestion measures ng pamahalaan.
Mula Enero hanggang Setyembre ng nakaraang taon, mahigit 60,000 PDLs ang napalaya sa pamamagitan ng paralegal assistance. Higit 80,000 naman ang napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance at Time Allowance for Study. Mahigit 27,000 ang lumahok sa teaching and mentoring programs, habang mahigit 21,000 ang kasalukuyang naka-enroll sa formal education mula elementarya hanggang senior high school.
Binigyang-diin ng punong mahistrado ang pangangailangan ng pangmatagalang polisiya at legislative reforms upang tuluyang maresolba ang problema sa overcrowding.
Sa panig ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni Justice Secretary Frederick Vida na malaki ang naitulong ng mga inilabas na department circulars, kabilang ang pagbawas ng halaga ng piyansa, na nagresulta sa pagpapalaya ng libo-libong akusado, gayundin ang pagbabasura ng mga kasong kulang sa ebidensya.
Dagdag ng BJMP at DOJ, bagama’t may nakikitang pag-unlad sa decongestion efforts, nananatiling hamon ang tuluyang pagbaba ng congestion rate sa zero. Kaya’t patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang mapahusay ang mga umiiral na programa at reporma. #
