Task force, binuo ni Mayor Lacson laban sa illegal land development sa Magalang
Kinumpirma ni Magalang Mayor Malu Lacson na iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan ang ilang negosyo na rehistrado bilang “service by nature” ngunit nagsasagawa ng land development at subdivision projects na hindi saklaw ng kanilang permit.
Ayon sa alkalde, nasa 9 na negosyo ang gumagawa ng aktibidad na hindi tugma sa kanilang rehistro. Hindi real estate ang permit na kanilang hawak at wala rin silang license to sell mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Dahil dito, naglabas na ang munisipyo ng mga cease and desist order bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa hindi awtorisadong land development.
Layon daw ng hakbang na maprotektahan ang publiko at tiyakin na sumusunod sa batas, ordinansa, at tamang proseso ang lahat ng development.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng public safety at compliance sa national subdivision standards, kabilang ang wastong daan, kanal, at open spaces. Pinayuhan din niya ang mga mamimili, lalo na ang mga OFW, na maging maingat at huwag magpaloko sa hindi lehitimong developers.
Kasama sa pagsusuri ng LGU hindi lang ang illegal subdivisions kundi pati ang mga business entities na walang rehistro o permit.
Upang masiguro ang pagsunod sa regulasyon, nagtatag ang LGU ng task force para suriin lahat ng subdivisions at business entities sa bayan, at patuloy itong nagmo-monitor simula 2024. #
