Mas maayos at epektibong garbage collection, target ng CSFP LGU
Nagpulong ang City of San Fernando LGU, Department of the Interior and Local Government (DILG), at City Environment and Natural Resources Office (CENRO), kasama ang mga barangay, nitong Miyerkules, January 21, upang pag-usapan ang pagpapabuti ng sistema ng koleksiyon ng basura sa lungsod.

Layunin ng pagpupulong na mapaigting ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng mga barangay upang masiguro ang mas maayos at epektibong garbage collection sa mga barangay, pampublikong lugar, at mga pangunahing kalsada sa siyudad.
Nagkaroon din ng open forum upang maiparating ng mga barangay ang kanilang mga hinaing, malinawan ang mga patakaran, at makahanap ng mga solusyon sa kasalukuyang suliranin hinggil sa pangongolekta ng basura.

Bukod dito, bahagi rin ng talakayan ang paghahanda para sa citywide cleanup drive bilang bahagi ng Kaganapan 2026 o ang 25th Cityhood Anniversary ng San Fernando.
Binigyang-diin ng LGU ang responsibilidad ng bawat stakeholder upang mapanatiling malinis, ligtas, at sustainable ang kapaligiran ng lungsod.
Matatandaang nitong nakaraang linggo, ilang reklamo o sumbong ang natanggap ng CLTV36 News kaugnay ng mga basurang matagal nang hindi nakokolekta sa ilang barangay sa lungsod, na nagdudulot umano ng hindi kaaya-ayang amoy sa paligid. #
