65 Nestlé products, kabilang sa recalled items sa ilang establisyimento sa Luzon
Nakapagtala ang Food and Drug Administration ng 65 Nestlé products sa iba’t ibang establisyimento sa Luzon na kabilang sa tinatawag na voluntary recall.
Sa isinagawang nationwide monitoring mula January 13-15, partikular na nakita ng ahensya ang ilang batch ng NAN Optipro at NANKID Optipro.

Ayon sa FDA, agad na inalis ang mga apektadong produkto sa mga estante, ibinalik sa supplier, o hiwalay na isinailalim sa retrieval process.
May isang kaso lamang na natagpuang naka-display pa ang recalled item, ngunit agad itong tinanggal ng enforcement team.
Iginiit ng ahensya na wala naman umano silang natatanggap na report ng patuloy na pagbebenta ng recalled products sa buong bansa, na nagpapakita ng pagsunod ng mga tindahan sa direktiba ng FDA.
Paliwanag ng ahensya, ang voluntary recall ay ginagawa ng manufacturer upang alisin sa merkado ang mga produktong posibleng may panganib sa kaligtasan, kalidad, o hindi pagsunod sa pamantayan.
Bilang bahagi ng post-market surveillance, patuloy ang kanilang field verification upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan ng FDA ang mga magulang at tagapag-alaga na suriing mabuti ang label at batch number ng mga produktong binibili. Kinakailangan ding itigil agad ang paggamit ng apektadong items at sumunod sa recall instructions ng manufacturer.
Iginiit ng FDA na mananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga sanggol at bata, at patuloy ang mahigpit na pagbabantay at regulatory oversight upang masiguro na walang panganib sa mga pamilihan.
First week of January nang ihayag ng Nestlé Philippines sa kanilang website na inalis na nila ang mga naturang produkto.
Dahil ito sa umano’y quality issue sa isang ingredient ng kanilang leading supplier, wala pa namang kaso ng sakit na naitatalang dulot nito. #
