Higit ₱216K halaga ng shabu, nasamsam sa magkakasunod na buy-bust ops sa Pampanga
By Acel Fernando, CLTV36 News

Naaresto ang 12 drug suspect sa sunod-sunod na anti-drug operations ng Pampanga Police katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3, kung saan nasamsam ang mahigit ₱216,000 halaga ng hinihinalang shabu nitong Miyerkules, January 14, 2026.
Sa Mabalacat City, tatlong suspek ang nahuli sa buy-bust operation sa Brgy. Sapang Biabas, kasama ang anim na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱40,800.
Isang indibidwal naman ang inaresto sa City of San Fernando dahil sa falsification of public document.
Kasunod nito, sa Mexico, Pampanga, isang suspek ang naaresto sa isang operasyon kontra droga sa Brgy. Suclaban, at nakuhanan ng 1.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱8,840.
Samantala, sa bayan ng Guagua, tatlong katao ang nahuli sa isang drug sting sa Brgy. San Juan Bautista, kung saan nakumpiska ang 1.1 gramo ng shabu.
Sa Macabebe, isang suspek ang nahuli sa Brgy. Tacasan dahil sa 1.4 gramo ng shabu, isang baril, abala, at marked money.
Isang municipal-level most wanted person naman ang naaresto sa Sta. Rita dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Isang drug suspect naman ang inaresto sa Brgy. Bahay Pare, Candaba. Nakuha sa kanya ang 1.52 grams ng pinaghihinalang shabu na aabot sa ₱10,336 ang halaga.
Nasakote rin ang isang street-level drug suspect sa Brgy. Calantas, Floridablanca, matapos makuhanan ng mahigit 20 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱140,080.
Ayon kay Pampanga PPO Provincial Director PCol. Eugene M. Marcelo, patuloy ang pulisya sa operasyon laban sa droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa Pampanga. #
