Mga bagong sasakyan ng CSF LGU, gagamitin sa field at emergency ops

Umabot sa mahigit ₱117 million ang kabuuang halaga ng 76 na bagong service vehicles ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando.
Isinagawa ang blessing ceremony nitong Lunes, January 12, para sa mga sasakyang binubuo ng 36 na motorsiklo, 27 service vehicles, 11 heavy vehicles, at dalawang equipment vehicles.
May isa pang equipment unit na ipinagkaloob naman ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon sa LGU, inaasahang makatutulong ang mga bagong sasakyan sa mas mabilis na paggalaw ng mga kawani at mas episyenteng pagsasagawa ng field operations at emergency response.
Ipamamahagi ang mga sasakyan sa iba’t ibang tanggapan ng lungsod upang masuportahan ang kani-kanilang tungkulin sa serbisyo publiko.
Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng lungsod na paunlarin ang mga kagamitan at kakayahan ng mga opisina para sa mas maayos na pagtugon sa pangangailangan ng mga Fernandino. #
