Ecstasy tablets na idineklarang car mats, nasamsam ng Bureau of Customs sa Clark
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang dalawang parcel na naglalaman ng mahigit ₱7 million na halaga ng ecstasy tablets sa Clark International Airport.
Ayon sa BOC, nagmula sa Austria ang mga parcel at patungong Davao City, na parehong idineklarang car mats ngunit kalauna’y natuklasang naglalaman ng kabuuang 4,124 ecstasy tablets matapos ang masusing inspeksyon.

Nadiskubre ang kontrabando noong December 24, 2025 nang mapansin ng X-ray Inspection Project Team ang kahina-hinalang imahe sa mga parcel. Agad naman itong isinailalim sa physical examination sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police.
Nagpositibo sa ilegal na droga ang mga nasabat na tableta sa isinagawang on-site drug test ng PDEA at gamit ang handheld spectrometer ng BOC. Isinailalim na rin sa confirmatory laboratory examination ang mga sample upang matukoy ang eksaktong komposisyon ng droga.
Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng BOC sa law enforcement agencies bilang bahagi ng mas pinalakas na border protection ngayong 2026. #
