Nationwide vision screening para sa mga kinder, inilunsad ng DepEd
Tututukan ng Department of Education (DepEd) ang maagang pagtukoy sa mga problema sa mata ng mga kindergarten learner sa buong bansa na maaaring makaapekto sa kanilang pagkatuto sa loob ng classroom.

Kaugnay nito, inilunsad ng kagawaran ang National Vision Screening Program (NVSP) na layong maagapan ang mga isyung tulad ng hirap sa pagbasa, pag-unawa sa aralin, at aktibong pakikilahok sa klase ng mga estudyante.
Sa ilalim ng Republic Act 11358 o ang National Vision Screening Act, magsasagawa ang ahensya ng sabayang vision screening sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa upang matukoy at mabigyan ng agarang intervention ang mga batang may problema sa paningin.
Pormal na sinimulan ang programa sa isang paaralan sa Pasig City na nagsilbing hudyat ng nationwide implementation ng inisyatiba.
Kasama sa vision screening ang maagang pagtukoy ng refractive errors, amblyopia, at iba pang sakit sa mata na karaniwang hindi agad natutuklasan sa murang edad.
Sa naturang rollout, ilang mag-aaral din na may kapansanan sa paningin ang agad na nabigyan ng libreng salamin.
Suportado ang programa ng PhilHealth sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program, na sumasaklaw sa vision screening at early intervention bilang bahagi ng community-based health packages.
Nakipag-partner din ang DepEd sa Integrated Philippine Association of Optometrists, Inc. upang palawakin ang access ng mga mag-aaral sa propesyonal na eye care, kabilang ang referral system, school-based screenings, at corrective services sa buong bansa. #
