MAIFIP, lumilihis sa diwa ng Universal Health Care: Dr. Leachon
Inihayag ni health reform advocate Dr. Tony Leachon na naiiba ang direksyong tinatahak ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Nililihis umano nito ang layunin ng Universal Health Care (UHC) Law na tiyaking may automatic na access ang bawat Pilipino sa serbisyong pangakalusugan.
Ayon kay Leachon, sa ilalim ng UHC, malinaw na dapat dumaan ang tulong medikal sa PhilHealth at hindi sa mga hiwalay na programang nakabatay sa pahintulot o impluwensiya.
Aniya, nagbubukas ang MAIFIP ng discretionary system kung saan ang tulong ay nakadepende sa endorsement at proseso, sa halip na maging karapatan ng lahat.
“Hindi ito universal care — selective care ito,” saad ni Leachon.
Ipinunto rin niya na ang ganitong uri ng mekanismo ay kahalintulad ng mga “pork barrel-style program” na dati nang ibinasura ng Korte Suprema, dahil nagbibigay ito ng kapangyarihan sa mga pulitiko na pumili kung sino ang makikinabang sa pondo ng gobyerno.
Babala pa ni Leachon, kapag napolitika ang serbisyong pangkalusugan, nawawala ang dignidad ng pasyente at lalo lamang lumalalim ang hindi pagkakapantay-pantay sa access sa gamutan.
“Kapag discretion ang pinairal, hindi karapatan, lalong lumalaki ang agwat ng may access at wala,” dagdag ni Dr. Leachon.
Giit niya, dapat palakasin ang tunay at eksaktong layunin ng UHC.
“Palakasin ang UHC. Pangalagaan ang pondo ng PhilHealth. Wakasan ang discretionary health financing. Ilagay ang pasyente — hindi ang politika — sa sentro ng sistema,” pagtatapos ni Dr. Leachon. #
