Pinalakas na suporta sa local agriculture, isinabatas sa CSFP

Lalong pinatatag ng City Government of San Fernando, Pampanga ang suporta nito sa mga magsasaka, mangingisda, at urban producers.
Kasunod ito ng pag-apruba sa Ordinance No. 2025-008 na inihain ni City Councilor Jay Cuyugan, Chair ng Committee on Cooperatives and Agriculture.
Layon nitong gawing tuloy-tuloy ang KADIWA at KASAWUP o “Kabyayan at Suporta kareng Agricultural Workers at Urban Producers” program sa Syudad.
Sa ilalim ng ordinansa, gagawin nang regular ang pagsasagawa ng KADIWA markets na magsisilbing tulay sa pagitan ng mga local producer at consumer.
Kasabay ito ng pagtitiyak ng abot-kayang presyo ng iba’t ibang agricultural products at mas mataas na kita para sa mga producer.
Itinatag rin ang KASAWUP Program na nakatuon sa kabuhayan at suporta para sa agricultural workers at urban producers. Kasama na rito ang pagbibigay ng oportunidad sa MSMEs at kooperatiba na makapasok sa mas malawak na pamilihan.
Ayon sa City Agriculture and Veterinary Office, mahalagang hakbang ang ordinansa upang mapalakas ang food security at mapanatili ang regular na bentahan ng sariwa at lokal na ani sa lungsod na isasagawa nang hindi bababa sa isang beses kada buwan. #
