Pilipinas, kinilala bilang Asia’s Best Retirement Destination

Kinilala ang Pilipinas bilang Asia’s Best Retirement Destination sa prestihiyosong 11th TripZilla Excellence Awards, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Patunay raw ito ng lumalaking reputasyon ng bansa bilang isa sa mga nangungunang destinasyon para sa mga retirees sa buong mundo.
Ayon sa ahensya, hindi lamang magagandang tanawin ang nakakaakit sa retirees kundi pati na rin ang mainit na pagtanggap at kultura ng malasakit ng mga Pinoy sa mga dayuhan.
Binanggit din ng DOT na patuloy nilang paiigtingin ang mga programa at serbisyo para sa mga retirees, kabilang na ang Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) program na pinapaigting ng kagawaran at Philippine Retirement Authority o PRA.
Inilunsad ng PRA ang kampanyang “WE CARE” o ang We Create an Amazing Retirement Experience upang mas mapalawak ang bahagi ng bansa sa global retirement market.
Umaabot na sa higit 83,000 ang SRRV holders sa bansa ngayong taon, ayon sa DOT. #
