Halos 450,000 units ng illegal vape products, winasak ng BIR
Sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang halos 450,000 units ng vape products bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na bentahan.

Pinangunahan ni BIR Chief Commissioner Charlito Martin Mendoza ang simultaneous nationwide destruction sa mga vape na walang tamang excise tax stamp na nakumpiska sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isa raw itong malinaw na babala sa mga patuloy na nagbebenta ng vape products na umiwas sa pagbabayad ng buwis.
Ayon sa BIR, tinatayang aabot sa ₱1.34 billion ang nawawalang kita ng pamahalaan mula sa hindi nabayarang excise tax at kaukulang multa ng mga sinirang produkto.
Sa kabuuan ngayong 2025, mahigit 742,000 illegal vape products na ang nasamsam, na may tinatayang ₱2.73 billion tax liabilities.
Bukod sa usapin ng buwis, binigyang-diin ng BIR na seryosong banta rin sa kalusugan at kaligtasan ng publiko ang mga ilegal na vape, dahil hindi dumaan ang mga ito sa tamang regulasyon at pagsusuri.
Iginigiit ng ahensya na mahalagang maipatupad nang mahigpit ang excise tax sa vape at iba pang “sin products” upang matiyak na may pondo ang gobyerno para sa mahahalagang serbisyo, lalo na sa sektor ng kalusugan.
Nanawagan din ang BIR sa publiko na makipagtulungan at agad i-report ang mga tindahang nagbebenta ng vape products na walang excise tax stamp, bilang bahagi ng sama-samang laban kontra ilegal na aktibidad. #
