ICU patient patay, 17 nailigtas sa sunog sa ospital sa Bulacan

Isang pasyente sa Intensive Care Unit (ICU) ang nasawi habang 17 iba pa ang ligtas na nailikas matapos sumiklab ang sunog sa Our Lady of Mercy General Hospital sa Barangay Longos, Pulilan, Bulacan madaling araw ng Lunes, December 8.
Kinilala ang nasawi bilang si Marcelino Leonardo, isang retired police na nasa ICU nang mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat, agad siyang inilabas mula sa gusali pero binawian din ng buhay makalipas ang ilang minuto.
Nailikas naman ang 17 iba pang pasyente mula sa ikatlong palapag ng gusali at agad na inilipat sa mga kalapit na pagamutan, ayon kay Mayor Rolando Peralta, Jr..
Sa paunang impormasyon, nagsimula ang apoy bandang ala-una ng madaling araw sa likod ng isang refrigerator sa pharmacy room sa ikalawang palapag. Mabilis itong kumalat hanggang sa itaas na bahagi ng gusali kung saan naroon ang ICU.
Umabot ng higit apat na oras bago tuluyang naapula ang sunog at idineklarang fire out pasado 5:40 AM. #
