San Fernando LGU, Mayor Vilma Caluag, kinilala sa serbisyo para sa urban poor

Pinarangalan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang Pamahalaang Lungsod ng San Fernando at si Mayor Vilma Balle-Caluag bilang Natatanging Lingkod ng Maralita awardee.
Iginawad ito sa isang programa sa Heroes Hall nitong Huwebes, December 4, kasabay ng pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week.
Ayon sa PCUP, kinilala ang San Fernando dahil sa pagpapatupad nito ng mga programa at repormang may kinalaman sa asset ownership at mga proyektong nagtataguyod ng inclusive urban development.
Itinuturing umano ang lungsod na halimbawa ng pamahalaang nagbibigay-pansin sa pinaka-bulnerableng sektor.
Sa pagdiriwang ngayong taon na may temang “Sama-Sama sa Pag-Alpas sa Bagong Pilipinas,” ibinahagi rin ng PCUP ang kanilang 2025 accomplishment report. Nagsagawa rin ng gift-giving activity para sa iba’t ibang urban poor communities sa lungsod.
Dumalo sa programa si PCUP Chairperson Usec. Michelle Anne Gonzales kasama ang iba pang opisyal ng komisyon, na kapwa nagpahayag ng suporta sa mga ilulunsad na proyekto ng City of San Fernando para sa urban poor communities. #
